NANINIWALA si veteran lawyer Atty. Ariel Inton na walang ginawang pagnanakaw sa kaban ng bayan si Dasmariñas City Rep. Kiko Barzaga at hindi rin umano ito maaaring masangkot sa conflict of interest dahil lamang sa naging pahayag nito laban sa katiwalian sa gobyerno.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Inton na hindi kasalanan ni Rep. Barzaga kung may mamamayang tumitingin sa ilang opisyal ng gobyerno bilang mga “buwaya.”
“Si Kiko Barzaga ay hindi nagnakaw sa kaban ng bayan. Si Kiko Barzaga ay walang conflict of interest. Hindi kasalanan ni Barzaga kung buwaya ang tingin ng mga tao sa atin,” ani Inton.
Inihalintulad pa ng abogado ang naging desisyon ng Kamara sa pagpapatalsik kay Barzaga sa umano’y “tyranny of the majority.”
Binigyang-pansin din ni Inton ang naging boto nina Caloocan City Rep. Egay Erice at Leyte 4th District Rep. Richard Gomez na kapwa tumutol sa expulsion ni Barzaga.
“Kung wala nang ‘pusa’ sa ‘kamara ng mga buwaya,’ gaganda ba ang imahe ng Kamara de Representantes?” tanong ni Inton.
Tinukoy rin ng abogado ang naging pahayag ni Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez kaugnay ng isyu.
Nanawagan din si Inton sa mga residente ng Dasmariñas City na maghain ng petisyon upang maibalik umano ang kanilang duly elected representative sa Kamara.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula kay Rep. Barzaga kaugnay ng panawagan ni Inton.
(JULIET PACOT)
118 