PATAY ang isang babae at isang lalaking sakay ng motorsiklo nang makasalpukan ang isang Ford pick-up truck sa kahabaan ng Cebu South Coastal Road (CSCR) sa Cebu City noong Sabado ng hapon.
Dead on the spot ang rider ng motorsiklo na kinilala lamang sa alyas na “Bernel.”
Isinugod naman sa ospital ang kanyang angkas na si “Krystel,” isang saleslady sa mall, ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, hawak na ng mga awtoridad ang 23-anyos na driver ng Ford Raptor na kinilalang si “John,” residente ng Talisay City.
Batay sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Cebu City Police Office (CCPO), magkasalubong umano ang direksyon ng motorsiklo at ng pick-up truck nang mangyari ang insidente.
Lumabas sa pagsisiyasat na patungong northbound ang motorsiklo nang bigla umanong mag-U-turn sa isang interseksyon.
Sinasabing sinubukan pa ng driver ng Ford Raptor na iwasan ang motorsiklo subalit nabigo ito at nagresulta sa matinding banggaan.
Dahil sa lakas ng salpukan, tumilapon ang rider at angkas ng motorsiklo na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye at pananagutan sa insidente.
(JESSE RUIZ)
59 