Hindi nakatatawa VIRAL ‘HOLDAP PRANK’ NG DRIVER-VLOGGER KINONDENA NG LCSP

SUPORTADO ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang naging hakbang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendihin ang operasyon ng isang EV taxi company kaugnay ng viral “holdap prank” na ginawa ng isang driver-vlogger at dalawang content creator na nagpanggap na mga holdaper.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, hindi nakatatawa ang naturang content dahil nagdudulot ito ng takot sa publiko at sumasalungat sa kampanya ng LTFRB sa pamumuno ni Chairman Vigor Mendoza upang gawing ligtas ang pampublikong transportasyon.

Aniya, hindi sapat ang 30-araw na suspensyon at nararapat ding sampahan ng kaukulang kaso ang mga indibidwal na sangkot sa prank.

Binigyang-diin ni Inton na hindi dapat gawing biro ang paggawa o pagsasadula ng krimen dahil maaari itong gayahin ng iba at mauwi pa sa mas seryosong content tulad ng murder o rape prank.

Dagdag pa niya, may mga reklamo ring natatanggap ang LCSP hinggil sa mga krimeng umano’y nagaganap sa pampublikong transportasyon, ngunit maingat nila itong ipinapaabot agad sa LTFRB at iba pang law enforcement agencies para sa tamang imbestigasyon.

Iginiit din ni Inton na kung may kaparusahan ang bomb joke sa mga paliparan dahil sa banta nito sa kaligtasan ng mga pasahero, dapat ding magkaroon ng katulad na pananagutan ang mga gumagawa ng holdap prank sa land public transport.

59

Related posts

Leave a Comment