Mas mainam age restrictions – solon BLANKET BAN SA VIDEO GAMES TINABLA

TUTOL si Senador Bam Aquino sa pagbabawal sa mga video game matapos ang shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Sinabi ni Aquino na mas madaling sisihin ang mga video game kapag may nagaganap na insidente ng karahasan subalit maraming pag-aaral ang nagsasabing walang ugnayan ang mga video game at mga school shooting.

Ipinaliwanag ng senador na ang mga video game, bilang isang anyo ng sining at libangan, ay hindi humahantong sa marahas na pag-uugali.

Sa halip na magpatupad ng blanket ban sa mga video game, nanawagan si Aquino ng mas mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na age restrictions para sa mga larong may mature rating, katulad ng mga panuntunang ipinatutupad sa mga pelikula at programa sa telebisyon.

Sinabi ni Aquino na may mahalagang papel ng mga magulang sa pagbabantay sa mga video game na nilalaro ng kanilang mga anak at sa pagtiyak na ang mga ito ay naaayon sa kanilang edad.

Iginiit din niya na may pananagutan ang mga game developer na gawing mas ligtas ang mga online gaming platform, lalo na iyong para sa mga bata, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga hakbang laban sa mga online predator, extremist groups, at iba pang mga taong may masasamang hangarin.

Isinusulong ni Aquino ang pagpasa ng kanyang proposed School Safety Act upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan.

Kabilang sa kanyang mga paunang panukala ang paglalagay ng mas maraming CCTV camera, pagdaragdag ng mga barangay tanod at security personnel, at pagsasagawa ng regular na pagpupulong ng Parent-Teacher Association (PTA) upang talakayin ang mga usapin sa kaligtasan sa paaralan at iba pang mga hakbang kontra karahasan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

57

Related posts

Leave a Comment