NAKATAKDANG ratipikahan ng Senado sa Hulyo 28 ang Basic Education Voucher Program Act na hango sa panukala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at sa education voucher model ng Taguig City.
Layunin ng panukala na mabigyan ng education voucher ang mga kwalipikadong K to 12 learners upang makapag-enroll sa alinmang pribadong paaralang kinikilala ng Department of Education (DepEd).
Inaprubahan na ng bicameral conference committee ang pinagsamang bersyon ng Senate Bill No. 1981 at House Bill No. 4744. Kapag niratipikahan ng Senado at Kamara, ipapadala ito sa Malacañang para sa lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isinama sa bersyon ng Senado ang mahahalagang probisyon ng Senate Bill No. 422 o The Learner’s Choice Act of 2025 na inihain ni Cayetano at nakabatay sa Taguig Learner’s Certificate (TLC) Program.
Prayoridad sa programa ang mga mag-aaral mula sa masisikip na pampublikong paaralan, lalo na ang mga mula sa mahihirap na pamilya.
Saklaw rin nito ang disadvantaged learners, kabilang ang out-of-school youth, learners with disabilities, mga ulila, Indigenous Peoples, mga mag-aaral sa malalayong lugar, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Kasama rin sa panukala ang mga probisyong naglalayong maiwasan ang ghost learners, pagkaantala at iba pang uri ng pandaraya.
Ayon kay Cayetano, makatutulong ang panukala upang maisulong ang karapatan ng bawat batang Pilipino sa de-kalidad at abot-kayang edukasyon.
“The Constitution guarantees the right of every Filipino to accessible and quality education at all levels and mandates the State to take appropriate steps to make such education available to all,” ani Cayetano.
“I’d like to see the day na kapag pinanganak ka sa Pilipinas, regardless kung ano apelyido mo, kung mayaman ka o hindi, if you want to go to the best private school sa inyong province or city, you’ll have the opportunity to do that,” dagdag pa niya.
Matagal nang ipinatutupad sa Taguig City ang Taguig Learner’s Certificate (TLC) Program, na kinilala ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) at itinuring ng DepEd bilang isang model education voucher program.
Sa ilalim ng TLC Program, tumatanggap ang mga kwalipikadong mag-aaral ng P10,000 educational allowance at tuition subsidy na hanggang P18,000 upang makapag-aral sa isa sa 60 partner private high schools ng lungsod.
Ang programa ay binuo sa pamumuno ni Taguig Mayor Lani Cayetano, katuwang ng EDCOM 2 sa pagbuo ng mga repormang pang-edukasyon sa bansa.
59 