ITINANGGI ng Malacañang na may hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China sa kabila ng matinding palitan ng pahayag nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at mga opisyal ng Beijing kaugnay ng West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling maayos ang ugnayan ng Pilipinas at China.
Ito ay sa kabila ng naging babala ng China kay Teodoro matapos nitong sabihing nagpapakita ng “insincerity and duplicity” ang Chinese Embassy sa pagtanggi nito sa posisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa 2016 Arbitral Award.
“Ang bansang China ay tumutupad sa kanilang batas at polisiya, ganoon din ang bansang Pilipinas. Si Sec. Gibo ay tumutupad lang sa kaniyang mandato bilang opisyal ng Pilipinas,” ani Castro.
“Sa parte ng Pilipinas, itinuturing pa rin na maganda ang relasyon sa bansa ng China.”
“Hindi naman nagkakaroon ng rift o sigalot dahil sa mga mensahe ng ating Defense Secretary,” dagdag pa niya.
Nauna nang iginiit ng DFA na pinal at may bisa ang 2016 Arbitral Award at kinondena ang patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ito.
Bilang tugon, sinabi ng Chinese Embassy na hindi nito kinikilala ang arbitration sa South China Sea at tinawag itong “a political manipulation in disguise.”
Samantala, iginiit ni Teodoro na ipinakikita ng pahayag ng Chinese Embassy ang tunay na intensyon ng Chinese Communist Party sa pakikitungo sa Pilipinas.
“It clearly shows their insincerity and duplicity… We condemn the arrogant display of deceitful indignation by them,” ani Teodoro.
“Hindi tayo pasisiil,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Castro, nananatiling direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na resolbahin ang mga isyu sa pamamagitan ng diplomasya.
“We can protect our rights, we can protect our interests in a diplomatic manner,” aniya.
(CHRISTIAN DALE)
59 