PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang turnover ng mahigit P82 milyong financial assistance sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) para sa pamahalaang panlalawigan ng Sulu.
Tinanggap nina Sulu Gov. Abdusakur Tan III at ng Provincial Federation of the Association of Barangay Councils (ABC) ang tseke sa isinagawang turnover ceremony.
Sa ilalim ng SCPF, bawat isa sa 410 barangay sa Sulu ay nakatanggap ng P200,000 na pondo.
Ayon sa Pangulo, P100,000 sa bawat barangay ang inilaan para sa scholarship ng limang estudyante o tig-P20,000 bawat iskolar.
“‘Yung natirang P100,000 ay nasa inyo na ‘yun kung saan n’yo gagamitin. Dahil malakas ang paniwala ko na walang nakakaalam sa problema sa isang barangay kung hindi ang mga barangay official,” ani Pangulong Marcos.
Pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng rice assistance sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) para sa mga poor at near-poor families.
Tinatayang 3,000 benepisyaryo sa Sulu ang makatatanggap ng tulong.
“Huwag po kayo mag-alala. Ito po ay hindi minsanan lang. Magbibigay kami ng sako ng bigas anim na beses sa loob ng isang taon. So kada dalawang buwan, meron po ulit nito,” ani Pangulong Marcos.
Nagpasalamat naman si Gov. Tan sa national government para sa patuloy na suporta sa lalawigan.
“Naghatid kayo sa amin ng pag-asa. Naipakita ninyo sa aming lalawigan, sa mga Tausug, na ang aming probinsya ay kailanman hindi napapabayaan at napag-iiwanan,” aniya.
(CHRISTIAN DALE)
61 