Bagong disenyo kinuwestiyon sa SC MODERN JEEPNEY MAS MUKHANG BUS

NANAWAGAN ang grupong Piston sa Korte Suprema habang nilinaw na hindi sila tutol sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa halip, kinuwestiyon ng grupo kung bakit mas kahawig umano ng mini bus kaysa tradisyonal na jeepney ang kasalukuyang disenyo ng modern jeepney.

“Bakit ang konsepto natin ng modern jeepney ay mini bus na galing pa sa Japan at China, samantalang kaya naman natin itong gawin dito sa bansa,” ani human rights lawyer na si Atty. Kristina Conti.

Ayon kay Conti, handang makiisa ang mga jeepney operator at drayber sa modernisasyon, ngunit marami umanong balakid sa implementasyon ng programa.

“Hindi naman kontra sa modernization ang Piston at mga drayber ng jeepney. Wala silang problema kung ang iniisyu ay tungkol sa climate change, emission, et cetera. Willing sila mag-adjust,” dagdag niya.

Nagtungo ang Piston sa Korte Suprema nitong Lunes upang magsumite ng manifestation bilang tugon sa tanong ng korte kung nawalan na ba ng saysay ang kanilang petisyon para sa temporary restraining order laban sa PUVMP matapos mapalitan ng DOTr Department Order No. 2023-022 ang DOTr Department Order No. 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines.

Iginiit ni Conti na nananatiling may saysay ang kanilang petisyon dahil naisama na rin sa kaso ang DOTr Department Order No. 2023-022 o ang binagong PUVMP Guidelines.

(JULIET PACOT)

47

Related posts

Leave a Comment