NAGBIGAY-PUGAY si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kay Filipina tennis star Alex Eala matapos ang makasaysayan nitong kampanya sa Wimbledon, at sinabing ang kanyang naging pagganap ay inspirasyon sa sambayanan at hudyat ng mas marami pang tagumpay sa hinaharap.
Sa isang social media post nitong Martes, sinabi ni Dy na bagama’t hindi nagtapos sa kampeonato ang kampanya ni Eala, isa pa rin itong malaking tagumpay dahil patuloy nitong itinataas ang antas ng Philippine tennis sa pandaigdigang entablado.
“Hindi man nagtapos sa panalo ang makasaysayang kampanya mo sa Wimbledon, Alex, panalo ka pa rin sa puso ng bawat Pilipino,” ani Dy.
Ayon sa Speaker, bawat laban na nilaro ni Eala ay sumasalamin sa kanyang determinasyon, katatagan at patuloy na pag-unlad bilang isa sa mga umuusbong na bituin sa mundo ng tennis.
“Every match, every victory, every loss is another step forward in what is already becoming an extraordinary career,” dagdag niya.
Pinasalamatan din ni Dy si Eala sa karangalang ibinigay nito sa bansa at sa pagiging inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na nangangarap magtagumpay sa larangan ng sports.
“Maraming salamat sa karangalang ibinigay mo sa ating bayan. Proud kaming lahat sa’yo. The best is yet to come,” aniya.
(TINA MENDOZA)
63 