“I will be bloodied but unbowed.” Ito ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte pagdating niya sa Senado ilang oras bago magsimula ang ikalawang araw ng kanyang impeachment trial.
Ayon sa bise presidente, masasaktan siya sa tinawag niyang “bloodbath” na tumutukoy sa impeachment proceedings, ngunit iginiit niyang hindi siya yuyuko o susuko.
Matapos ang pulong kasama ang kanyang defense team, umalis din si Duterte sa Senado dahil mayroon pa umano siyang ibang nakatakdang engagements.
Ipinaliwanag ni Atty. Michael Poa, legal counsel ni Duterte, na sa Senado nila isinagawa ang pulong dahil ugali umano ng Bise Presidente na mag-adjust para sa kaginhawahan ng kanyang mga ka-meeting.
Muli ring tiniyak ni Poa na haharap si Duterte sa impeachment trial kung kinakailangan.
Samantala, binuksan ng senator-judges ang ikalawang araw ng impeachment trial sa pamamagitan ng pagtalakay sa 16-vote threshold na kinakailangan upang mahatulan ang isang impeachable official.
Sa kanyang manifestation, tinukoy ni Senador Panfilo Lacson ang naging pahayag ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na kinakailangan ang two-thirds vote ng lahat ng senador upang magkaroon ng conviction.
Nilinaw ni Lacson kung personal na legal na opinyon lamang ito ni Escudero o isa nang pormal na ruling ng impeachment court.
Tumugon si Escudero na ito ay ruling ng presiding officer at nananatiling epektibo dahil walang senator-judge ang tumutol o umapela rito.
Matatandaang unang inihain ni Senador Alan Peter Cayetano ang usapin noong unang araw ng paglilitis at sinabi nitong kung pinal na ruling na ito ng impeachment court ay hindi na nila ito kukuwestiyunin.
(DANG SAMSON-GARCIA)
54 