AIRBNB LANG, HINDI BAHAY MO

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

HINDI ko akalaing may mababasa akong kuwento na mapaiiling na lang ako. Isang babae ang naging usap-usapan matapos akusahan sa social media na nagsagawa umano ng house blessing sa isang bahay na nirentahan lamang sa Airbnb. Ayon sa mga post na kumalat, inimbitahan pa niya ang mga kamag-anak at kaibigan, may handaan, may mga dekorasyon, at may pari pang nagsagawa ng pagbabasbas. Ang mas naging sentro ng usapan, ipinakita umano ang bahay na tila siya ang may-ari nito. Hanggang ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa babaeng nasasangkot at hindi pa rin napatutunayan ang lahat ng alegasyon, kaya nararapat lamang na maging maingat sa pagtingin sa nangyari.

Kung totoo ang mga paratang, doon ako napaisip. Walang masama sa pagrenta ng bahay para sa bakasyon, reunion, o simpleng pahinga. Iyon naman talaga ang layunin ng mga short term rental. Nagbabayad ka para magamit ang lugar sa loob ng napagkasunduang panahon. Pagkatapos noon, aalis ka na at ibabalik ang bahay sa may-ari nito.

Pero iba ang dating kung ipakikita mo ang isang bahay na hindi naman talaga sa iyo na parang ikaw ang nagmamay-ari nito. Hindi na iyon tungkol sa pagrerenta. Usapin na iyon ng pagiging tapat sa ipinakikita sa ibang tao. Isang litrato lang ang nakikita ng publiko.

Hindi nila alam ang buong kuwento. Kaya kapag mali ang impresyong ibinigay, marami ring madaling maniwala.

Ang higit kong pinag-isipan ay ang house blessing. Karaniwan itong ginagawa sa tahanang titirahan ng isang pamilya, pag-aari man nila o inuupahan nila nang pangmatagalan. Kaya kung totoo ang alegasyon na ang bahay ay isang panandaliang Airbnb rental lamang, maiintindihan kung bakit maraming tao ang nagtaka. Hindi dahil bawal ang magpabasbas ng bahay, kundi dahil iba ang kahulugan nito para sa maraming tao.

Napansin ko rin na habang lumalakas ang impluwensiya ng social media, mas marami ring gustong magpakita ng buhay na parang laging perpekto. Isang magandang bahay, ilang larawan, at isang masayang salu-salo ang sapat para makabuo ng kuwento na maaaring hindi naman pala totoo. Minsan, mas mabilis pang kumalat ang imahe kaysa ang katotohanan.

Hindi natin alam kung ano talaga ang nangyari sa likod ng mga larawang kumalat. Hindi rin natin alam ang panig ng babaeng inakusahan. Kaya hindi tama na agad siyang hatulan. Pero kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon, mahirap itong ipagtanggol. Ang pagrerenta ng bahay ay isang serbisyo. Hindi nito binabago kung sino ang tunay na may-ari.

Mas humahanga pa rin ako sa mga taong hindi kailangang magkunwari para lang magmukhang matagumpay. Walang nakahihiya sa pagrerenta ng bahay o sa simpleng pamumuhay. Ang tunay na respeto ay nagsisimula sa pagiging tapat. Hindi iyon nasusukat sa laki ng bahay, dami ng bisita, o ganda ng mga larawan na ipinakikita sa social media.

89

Related posts

Leave a Comment