INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon sa Luzon at Visayas dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang naarestong mga dayuhan na sina Henri Joel Atanga Betayene, 35, ng Cameroonian; Murat Fentci, 53, isang Turkish national; at Mario Angelai, 60, isang Italian national.
Pinangunahan ang operasyon ng BI Intelligence Division at ng mga tauhan ng Regional Intelligence Operations Unit sa magkakahiwalay na lugar sa Cainta, Rizal; Sagbayan, Bohol; at Baguio City.
Naaresto si Betayene sa isang subdivision sa Cainta, Rizal matapos makumpirma ng mga intelligence operative na nag-overstay na siya sa Pilipinas.
Samantala, inaresto naman si Fentci sa Barangay Canmaya Diot, Sagbayan, Bohol matapos mapatunayan sa beripikasyon na nanatili siya sa bansa lampas sa itinakdang panahon ng kanyang pananatili.
Sa Baguio City, inaresto ng mga intelligence operative si Angelai na nahuling nagtatrabaho bilang chef sa isang lokal na restawran sa kabila ng pagkakaroon lamang ng tourist visa.
Isinagawa ang operasyon matapos ang surveillance at beripikasyon na aktibo siyang nagtatrabaho nang walang kaukulang work visa o permit.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration ang tatlong dayuhan para sa booking at dokumentasyon at isasailalim sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act.
(JOCELYN DOMENDEN)
98 