P50-B TAX RELIEF KAYANG BAWIIN SA VAPE, IBA PANG PRODUKTO- SOLON

TINIYAK ni House Committee on Ways and Means Chairperson at Marikina City Rep. Miro Quimbo na mababawi ng pamahalaan ang tinatayang P50-bilyong mawawalang kita mula sa panukalang tax relief package sa pamamagitan ng mas mataas na buwis sa vape, tabako, sugar-sweetened beverages at single-use plastics.

Ipinaliwanag ni Quimbo na ang bawas sa kita ng gobyerno ay dulot ng planong itaas ang income tax exemption threshold sa P350,000 kada taon at dagdagan ang tax-exempt ceiling para sa 13th-month pay at iba pang bonus.

Ayon sa mambabatas, bukod sa paglikom ng kita, layunin din ng mas mataas na buwis sa vape at tobacco products na mabawasan ang paggamit nito, lalo na ng mga kabataan.

Kasama rin sa panukala ang pagpapalawak ng buwis sa sugar-sweetened beverages upang makatulong sa paglaban sa diabetes, at pagpapataw ng buwis sa single-use plastics, partikular sa mga sachet, upang mabawasan ang polusyon at pagbaha dulot ng baradong daluyan ng tubig.

Sinabi ni Quimbo na ang karagdagang kita ng pamahalaan ang magsisilbing pondo para sa ipatutupad na tax relief para sa mga manggagawang Pilipino.

(TINA MENDOZA)

53

Related posts

Leave a Comment