MALALAKING CASH WITHDRAWAL NG OVP ‘UNUSUAL’ – EX LANDBANK MANAGER

HUMARAP kahapon ang pangalawang testigo sa impeachment court na si dating Landbank DepEd Branch Department Manager Nenita Campos na nagsabing hindi pangkaraniwan ang mga withdrawal ng Office of the Vice President. (DANNY BACOLOD)

INILARAWAN ng retiradong LandBank Shaw Boulevard Branch Department Manager na si Violeta Constantino bilang “unusual” ang apat na malalaking cash withdrawal ng Office of the Vice President (OVP) na nagkakahalaga ng kabuuang P500 milyon.

Sa ika-10 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Constantino na ang apat na tig-P125 milyong tseke ay na-encash ng dating OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta sa pagitan ng Disyembre 2022 at Hulyo 2023.

Ayon sa testigo, inilagay ang perang na-withdraw sa tatlo hanggang apat na gym bags at inilabas sa bangko gamit ang trolley. Wala rin aniyang armored vehicle na ginamit dahil walang kasunduang cash delivery ang LandBank sa OVP.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Erwin Tulfo, sinabi ni Constantino na bagama’t humahawak din ang kanilang sangay ng accounts ng iba pang ahensya ng pamahalaan, wala siyang natatandaang kahalintulad na kalaking cash withdrawal sa kanyang 32 taong serbisyo sa pagbabangko.

Gayunman, nilinaw niyang hindi sila nagtanong tungkol sa layunin ng withdrawal dahil may paunang abiso ang OVP at dumaan naman ito sa itinakdang proseso ng bangko.

Samantala, sinabi ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na ang pagiging “unusual” ng transaksyon ay hindi awtomatikong nangangahulugang ilegal ito.

Kinuwestyon naman ni Senator-Judge Imee Marcos ang pagpili ng prosekusyon sa testigo, habang sinabi ng prosecution panel na si Constantino ang direktang nakipag-ugnayan sa OVP kaugnay ng pag-encash ng mga tseke.

Hiniling naman ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na makapagharap ang prosekusyon ng mas angkop na testigo hinggil sa paghawak at paggamit ng confidential at intelligence funds sa mga susunod na pagdinig.

Pangalawang Testigo
Isinalang Na Rin

Samantala, iniharap na rin ng house prosecution panel ang ikalawang testigo nila kaugnay sa Article 1 ng Impeachment Case laban kay Vice President Sara Duterte na may kinalaman sa paggamit ng confidential at intelligence funds.

Sa katauhan ito ni Nenita Camposano, dating branch manager ng Landbank DepEd Branch na nagsalaysay ng encashment ng tatlong tseke ng disbursing officer ng DepEd na si Edward Fajarda.

Ang mga tseke ay nagkakahalaga ng tig-P37.5 million o kabuuang P112.5 million na pinaniniwalaang confidential fund ng DepEd.

Itinuturing din ni Camposano na para sa DepEd, unusual ang laki ng encashment na ito.

Sa pagtatanong ni Senator Judge Kiko Pangilinan, sinabi ni Camposano na kadalasan ay pinakamalaking cash na kinakailangan ng DepEd para sa kanilang withdrawal ay P10 million.

Sa kanyang career din ay ito ang unang pagkakataon na nakaharap sa encashment ng ganito kalaking halaga.

Sa pagtatanong naman ni Senator Judge Sherwin Gatchalian, sinabi ni Camposano na kadalasan ang withdrawals ng DepEd sa kanilang branch ay para pambayad sa mga overtime pay at sahod ng mga contract of service employees na umaabot lamang kadalasan sa P100,000 o P200,000.

Aminado naman si Camposano na meron din ibang ahensya ng gobyerno ang nag-eencash sa kanila ng malalaking halaga ng pera.

Bilang tugon naman kay Senator Judge Raffy Tulfo, inamin ni Camposano na walang iprinisinta sa kanilang dokumento si Fajarda bilang Special Disbursing Officer ng DepEd subalit siya ang payee sa mga tseke.

(DANG SAMSON-GARCIA/TINA MENDOZA)

68

Related posts

Leave a Comment