SINAGOT ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang video ni Sen. Imee Marcos na inilabas noong Hulyo 28, kung saan binanggit ang umano’y “ICC” sa loob ng Malakanyang at tinukoy ang letrang “I” bilang “impakta.”
Ayon kay Castro, hindi siya gumagamit ng ganoong uri ng pananalita at hindi siya nakikipag-ad hominem sa kanyang kapwa.
Aniya, “It takes one to know one,” kasabay ng pagsasabing kung may mga naaapektuhan sa kanyang pagsagot sa umano’y fake news, sila na mismo ang naglalarawan sa kahulugan ng salitang ginamit.
Idinagdag ni Castro na hindi niya inaagaw ang sinasabing “korona” ng pagiging “impakta” at iginiit na nananatili ito kay Sen. Imee Marcos at sa kanyang grupo.
“Huwag silang mag-alala, ang korona ay nasa kanila—na kay Senator Imee at sa mga grupo nila; at hindi natin kayang agawin ito mula sa kanila. Wala ako sa kalingkingan ni Senator Imee para sa ganyang klaseng deskripsyon. Sila ay nasa maximum level,” pagtatapos ni Castro.
Ginawa ni Castro ang pahayag bilang tugon sa mga komento ng netizens na ang tinutukoy sa naturang video ay siya.
(CHRISTIAN DALE)
48 