GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
MAY mga balitang hindi dapat ginagawang palabas. Para sa akin, isa na rito ang sinapit ni Rene Baterbonia. Isang batang atleta ang namatay sa isang trahedya. Isang pamilya ang nagluluksa. Isang komunidad ang naghahanap ng sagot. Pero habang tumatagal, parang may ibang kuwento nang nabubuo. Hindi na lang tungkol sa paghahanap ng hustisya. Unti-unti na rin itong naging content.
Nauunawaan ko ang galit ng publiko. Hanggang ngayon ay marami pa ring gustong malaman ang buong nangyari. Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy kung may pananagutan ang sinoman. Karapatan ng bawat isa na manawagan ng hustisya. Ngunit ibang usapan na kapag ginagamit ang pangalan ng isang yumao para lang dumami ang views, followers at kita.
Hindi lahat ng gumagawa ng content ay may masamang hangarin. May mga mamamahayag at content creator na maingat sa pagbabahagi ng impormasyon at malinaw na ang layunin ay ipaalam ang mga bagong pangyayari. Ang tinutukoy ko ay ang mga taong tila mas inuuna ang pagiging viral kaysa katotohanan. Kapag mas mahalaga na ang dami ng reaksyon kaysa tama at patas na impormasyon, may mali na.
Mas nakababahala pa ang pagkalat ng fake news. May kumalat pang inedit na larawan ni Rene na pinalalabas na may tali ang kanyang mga kamay at paa. Napatunayang peke ang larawang iyon, pero bago pa ito maitama ay nakarating na sa napakaraming tao.
Isang maling post lang ang kailangan para lituhin ang publiko at dagdagan ang sakit ng mga taong naghahanap ng tunay na sagot.
Napansin ko rin na parami nang parami ang mga taong nakikisawsaw kahit wala naman silang sapat na alam sa kaso. May mga gumagawa ng kung anu-anong kuwento. May mga nagbibigay ng sariling teorya na para bang totoo na agad. May ilan pa na ginagamit ang pangalan ni Rene sa mga video at post na halos wala nang kaugnayan sa paghahanap ng katotohanan. Sa halip na makatulong, lalo lang nitong inilalayo ang usapan sa pinakamahalagang isyu.
Para sa akin, hindi sukatan ng malasakit ang dami ng upload o haba ng live stream. Mas nasusukat ito sa paggalang sa katotohanan. Hindi kailangang lagyan ng nakagugulat na pamagat ang bawat video. Hindi kailangang magdagdag ng mga detalye na hindi pa naman kumpirmado. Ang hustisya ay hindi nakukuha sa dami ng views. Nakukuha ito sa maayos na imbestigasyon, tamang ebidensya, at pananagutan ng dapat managot.
Nalulungkot ako dahil tila naging negosyo na rin para sa ilan ang isang trahedya. Ang isang batang atleta na may mga pangarap ay naging daan para sa mas maraming click at share. Ang mas masakit, may mga taong handang isantabi ang katotohanan basta may mai-post lamang bago ang iba. Hindi ito paggalang sa yumao. Hindi rin ito tunay na pakikiisa sa pamilya.
Patuloy kong susuportahan ang panawagan para sa hustisya para kay Rene Baterbonia.
Ngunit hindi ko kayang suportahan ang mga taong ginagamit ang kanyang pangalan para sa pansariling pakinabang. Sa bawat post na ginagawa natin, dapat nating tanungin ang ating sarili. Nakatutulong ba ito sa paghahanap ng katotohanan, o nakadaragdag lang ito sa ingay? Sa isang trahedyang tulad nito, mas kailangan ang respeto kaysa clout.
89 