ILULUNSAD ng House of Representatives sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang programang LegisHear, kung saan nakatakdang isagawa ang mga susunod na public consultation sa Butuan City at Dumaguete City.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, layunin ng programa na mailapit sa mga mamamayan ang proseso ng paggawa ng batas upang matiyak na higit na tumutugon sa kanilang pangangailangan ang mga panukalang isinusulong sa Kongreso.
Kasunod ito ng paglulunsad ng LegisHear sa Isabela noong Biyernes, kung saan sinabi ni Dy na makikipag-ugnayan ang Kamara sa mga miyembro nito upang maipagpatuloy ang serye ng konsultasyon sa bawat rehiyon.
“Katulad nga nito, ito ang umpisa ng ating programa. Ang aming mga miyembro ng House ay kakausapin namin kung sino ang susunod na magho-host para tuloy-tuloy ang mga ganitong programa at malaman namin ang mga panukalang batas na aming isusulong. Hindi kami titigil,” ani Dy.
Sinabi ng Speaker na bahagi ito ng layunin ng “Bagong Kongreso” na magkaroon ng mas bukas at inklusibong proseso sa pagbuo ng mga batas sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad.
Samantala, sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na pangmatagalang layunin ng Kamara na maisagawa ang LegisHear sa lahat ng 81 lalawigan sa bansa upang higit na mahikayat ang partisipasyon ng publiko sa paggawa ng batas.
Ayon kay Garafil, isinasapinal na ang susunod na konsultasyon sa Butuan City bago ito dalhin sa Dumaguete City.
“We want to go muna sa Luzon, Visayas, Mindanao. So, Mindanao, Butuan ‘yon ang una naming nakikita where we can go,” ani Garafil.
Sinabi rin niya na ang LegisHear sa Butuan ay pangungunahan ni Butuan Lone District Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II.
Ayon kay Garafil, pangunahing programa nina Speaker Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang LegisHear, na hinango sa naging matagumpay na serye ng konsultasyon ng Kamara kaugnay ng panukalang Anti-Political Dynasty Act.
Ipinaalala rin niya na nagsagawa ang Kamara ng mga konsultasyon sa Luzon, Visayas at Mindanao habang dinidinig ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill, na nagbigay ng pagkakataon sa iba’t ibang sektor na makapagbigay ng kanilang mungkahi upang mapahusay ang panukala.
Inilunsad noong Biyernes sa Isabela ang LegisHear, isang programang nagtitipon sa mga mambabatas, ahensya ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, civil society organizations at iba pang sektor upang talakayin ang mga prayoridad na panukalang batas at mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Kabilang sa dumalo sa paglulunsad ng programa sina Isabela 5th District Rep. Faustino Michael Carlos T. Dy III, Isabela 4th District Rep. Joseph S. Tan, LPGMA Party-list Rep. Allan U. Ty, House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, mga kinatawan ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan, mga lokal na opisyal, at iba pang stakeholder mula sa iba’t ibang sektor.
(TINA MENDOZA)
148 