INANUNSYO ng Malacañang na pinalawig hanggang sa katapusan ng Agosto ang umiiral na P10 kada litrong fuel subsidy para sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs).
Layunin ng pagpapalawig na mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), unang ipinatupad ang subsidiya noong Abril 14 at nakatakda sanang magtapos noong Hulyo.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mananatili muna ang P10 kada litrong fuel subsidy habang pinag-aaralan pa ang panukalang itaas ito sa P20 kada litro.
Nauna nang nagsumite ang LTFRB ng panukala sa Malacañang na doblehin ang subsidiya sa loob ng isang buwan bunsod ng serye ng oil price hikes.
Ayon kay Castro, patuloy na tinatalakay ng Office of the Executive Secretary, Department of Transportation (DOTr), at ng economic team ng pamahalaan ang nasabing panukala.
(CHRISTIAN DALE)
48 