MAGSASAGAWA ang Department of Justice (DOJ) ng masusing imbestigasyon sa 20 indibidwal na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Cebu.
Ito ay matapos silang kasuhan sa National Prosecution Service ng DOJ sa pamamagitan ng dalawang magkahiwalay na reklamo kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa isang biglaang press briefing, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na kabilang sa mga inirereklamo ang mga pribadong indibidwal at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Cebu 3rd District Engineering Office.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa kanila ang illegal use of public funds, technical malversation, malversation of public funds, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, perjury, paggamit ng falsified documents, at paglabag sa Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act.
Ayon kay Martinez, nasa yugto pa lamang ng preliminary investigation ang mga reklamo at wala pang pinal na konklusyon dahil sinusuri pa ng DOJ ang mga inihain na ebidensya.
(JULIET PACOT)
80 