(NI BERNARD TAGUINOD)
KARAPATAN ng sambayanang Filipino na isapubliko ang resulta ng imbestigasyon ng Marina at Coast Guard sa pagbangga at pag-iwan ng Chinese vessels sa fishing boat ng mga Filipino sa Recto Bank.
Ito ang iginiit ni Occidental Mindoro Rep. Josephine “Nene” Sato dahil isang linggo na umanong isinumite ang resulta ng imbestigasyon subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito nakikita ng taumbayan.
“Where is it? Isang linggo nang na-submit ang report. Sa interes at kapakanan ng Pilipinas at mga mamamayan nito, kailangang makita na ng sambayanan ang report na ito, lalo na ang mga natuklasan at mungkahi ng Marina at Coast Guard,” ani Sato.
Magugunita na noong Hunyo 9, 2019 ay binangga umano ng isang Chinese vessel ang F/B Gem-Ver sa Recto Bank kung saan sakay ang 22 Filipino na pawang mga taga-Occidental Mindoro at saka inabandona.
Nakaligtas lang sa tiyak na kapahamakan ang mga biktima matapos saklolohan ng isang Vietnamese fishing vessel at nabunyag lang ang insidenteng ito noong Hunyo 12.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang Marina at Coast Guard at tapos na umano ang imbestigasyon subalit hindi pa ito isinasapubliko kaya nangalampag na si Sato dahil karapatan aniya ng mga Filipino na malaman ito.
Kasabay nito, umapela ang lady solon kay Pangulong Rodrigo Duterte na ikonsidera ang kanyang planong payagan ang mga Chinese na mangisda sa Recto Bank dahil walang dapat makinabang umano sa likas na yaman dito kundi ang mga Filipino lamang.
