KAILANGANG AMYENDAHAN ANG ANTI-DRUNK AND DRUGGED DRIVING LAW

BAGWIS

Halos araw-araw ay may mga nababalitaan tayong kaso ng mga naaarestong mga driver ng GRAB, bus, jeep, tricycle at iba pang mga pampublikong sasakyan kapag may mga isinasagawang mga anti-drug operation.

Tila lalong dumarami ang durugistang public utility drivers matapos alisin ang drug test bilang isa sa mga requirement ng mga kumukuha o kaya ay nagre-renew ng kanilang mga driver’s license.

Ang dahilan nila ay kinakailangan nila umano ang mag-droga upang manatili silang alerto habang nagmamaneho. Ang hindi nila sinabi ay nawawala rin sila sa sarili habang nagmamaneho dahil sa epekto ng droga.

Nag-ugat ang problemang ito sa ipinasang Republic Act 10586 o ang e Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 dahil pinawalang-bisa nito ang nakasaad naman sa Section 36 (a) ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Batay sa sa RA 9165, hindi maaaring magkaroon ng driver’s license ang isang mamamayan kapag wala itong sertipikasyon o patunay na malinis ito sa paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot.

Ngunit noong ipinasa ang RA 10586, maaari na lamang magsagawa ng drug test kapag ang isang driver ay nahuli habang nagmamaneho at pinaghihinalaan itong na sa ilalim ng impluwensiya ng alak o kaya ay droga.

Kung ating susundin ang batas na ito, kinakailangang gumawa muna ng kalokohan o kaya ay masangkot muna sa isang aksidente ang isang driver bago ito isailalim sa isang alcohol test sa kaso ng mga lasing at drug test naman sa kaso ng mga nagmamaneho na bangag.

‘Di ba napakalaking kalokohan ang batas na ito?

In short, wala tayong kamalay-malay na itong mga sinasakyan nating mga pampublikong mga sasakyan ay maaaring minamaneho pala ng mga bangag.

Sana lang ay mahimasmasan ang ating mga mambabatas at agad na amyendahan ang RA 10586. Kinakailangan na maibalik bilang requirement sa pagkuha ng lisensiya ang drug test upang maproteksyonan hindi lamang ang ating mga mananakay kundi pati na rin ang motorista at mga pedestriyan. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

219

Related posts

Leave a Comment