(NI NOEL ABUEL)
MAGANDANG balita para sa lahat ng Filipino war veterans at sa pamilya ng mga ito.
Ito ay matapos na ihain ni Senador Ramon “Bong” Revilla ang panukalang Senate Bill no. 456 na naglalayong dagdagan muli ang tinatanggap na buwanang pensyon ng mga beterano sa buong bansa na P3,000.
Nabatid na noong nakalipas na buwan lamang nang pagkalooban ng P15,000 dagdag na pensyon kada buwan ng lahat ng Filipino war veterans at ngayon naman ay kasama na ang kanilang mga dependents.
“This bill aims to further this policy by increasing the monthly pension due our war veterans by P3,000. This will be of great help to our veterans and their dependents during these trying times where the cost of our basic necessities is at an all-time high,” sabi ni Revilla.
“More than the monetary value of this proposed measure, we are showing our veterans that to this day, we have not forgotten their loyalty and bravery,” dagdag pa ng senador.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ang dagdag na buwanang pensyon ng mga war veteran at sa oras ng kamatayan nito ang pensyon ay maibibigay sa asawa hanggang sa pinakamatandang anak ng beterano.
“Our nation will forever be grateful for the sacrifices they have made for the Filipino people. This act institutionalizes the gratitude of a nation who will never forget those who came before them,” saad pa ni Revilla.
Disyembre 20 ng nakaraang taon nang dagdagan ang buwanang pensyon na P5,000 sa mga World War II, Korean War at ng Vietnam War na naging P20,000 matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11164.
Subalit sakop lamang ng nasabing batas ang nabubuhay na senior veterans at ang pensyon ng mga ito ay hindi maililipat sa kanilang kaanak.
