DA: KARNE SA MERKADO LIGTAS KAININ

meat55

(NI ROSE PULGAR)

“LIGTAS ang mga karneng baboy na ibinebenta sa merkado.”

Ito ang pahayag ngayong Miyerkoles ni Department of Agriculture (DA) spokesperson Noel Reyes sa ginanap na pulong balitaan sa Makati City.

Ayon kay Reyes, ligtas ang mga karneng baboy na ibinebenta sa mga palengke matapos makapagtala ng swine fatalities sa ilang lugar sa area ng Rizal.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng DA, nagpapatupad sila ngayon ng 1-7-10 protocol na gumagana kung mayroong major economic animal disease na tumatama sa bansa.

Aniya, kinatay na ang lahat ng mga baboy na nakapaloob 1 kilometer (KM) radius kaya walang magaganap na outbreak.

Nasa quarantine procedures din ngayon ang lahat ng baboy na nakapaloob sa 7km radius at mahigpit ding nagpapatupad ng checkpoint sa loob ng 10km radius sa mga apektadong lugar.

Hindi pa naman makumpirma ng DA kung African Swine Fever ang tumama sa mga babuyan sa Rizal at aabutin pa ng dalawang linggo o ilang buwan bago matanggap ng pamahalaan ang laboratory results mula sa Europa.

Sa pagtitiyak naman ni Reyes, binabalangkas na ng pamahalaan ang tulong na kanilang ibibigay sa mga apektadong hog raisers at ilalabas nila ang lahat ng bagong impormasyon sa 3rd bulletin na kanilang ilalabas sa lalong madaling panahon.

“Hindi ko puwedeng sabihin ang mga lugar kung saan namatay ang mga alagang baboy. Hindi rin natin tiyak kung ito ba ay may kaugnayan sa sakit na african swine fever basta’t hintayin na lang natin ang resulta mula sa Europe” pahayag ni Reyes.

Hinihikayat naman ng DA ang publiko na ireport sa kanila o sa kinauukulan ang anumang insidente ng pagkamatay ng mga alagang baboy o kaya tumawag sa numberong 0995-132-1339.

 

 

500

Related posts

Leave a Comment