Dagdag-pahirap na naman sa OFWs ang dagdag singil sa PhilHealth na inanunsyo kamakailan.
Ayon sa komputasyon ng mga grupo ng mga migranteng Filipino, ang bagong dagdag singil sa PhilHealth ay mangangahulugang dagdag P50,000 sa mga bayarin bago pa man sila lumabas ng bansa. Ang malala pa, ayon sa implementing rules and regulations o IRR ng health care program ng gobyerno, ang lahat ng land-based na OFWs ay kailangang bayaran ang kanilang premium sa PhilHealth bago sila makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC. Sa madaling sabi, hostage ng PhilHealth ang OFWs hangga’t ‘di pa nila nababayaran ang P50,000 na bayad.
Sa halip na tulungan ang ating mga kababayan na natulak nang magtrabaho sa ibang bayan dahil hindi sila kayang buhayin ng sariling bansa ay lalo pang pinapahirapan ang migranteng Filipino. Matagal na panahong nawawalay ang mga OFW sa kanilang pamilya para lang maghanap ng pagkakakitaan, ngunit ang sakripisyong ito ay susuklian ng pamahalaan sa pagbabaon sa kanila sa utang bago pa man sila makaalis.
Para sa Bayan Muna, dapat unahin ng PhilHealth ang pagsagot sa mga isyu ng anomalya sa paggamit ng pondo bago sila magpanukala ng mga bagong taas-singil. Kung maaalala, may isyu ng ghost patients, ghost dialysis, malalaking bonuses sa mga opisyal, magagarbong mga party at iba pa.
Noong nakaraang Kongreso pa kinukuwestyon ng Bayan Muna ang PhilHealth ukol sa pagtaas ng premium habang ang mga opisyal nito ay binibigyan ng P1.5 bilyon sa bonuses. Ngayon ay dinagdagan pa ang budget ng PhilHealth na galing sa kaban ng bayan, kaya walang dahilan ang PhilHealth upang pilitin na magbayad nang mas malaki ang OFWs.
Karugtong nito, napakababa ng paggamit ng pera ang PhilHealth, bagama’t napakaraming Filipino ang nangangailangan ng tulong medikal. Nasa 10-12% lamang ang utilization rate ng buong pera ng PhilHealth!
Samakatuwid, walang dahilan para sa taas-singil. Kailangan nang ayusin ng PhilHealth ang serbisyo nito sa taumbayan! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
