SAMA-SAMA SA PAGKAKAROON NG SAPAT NA SUPPLY NG KURYENTE

Sa Ganang Akin

KAMAKAILAN lamang ay ginanap ang inagurasyon ng pinakabagong planta ng kuryente ng San Buenaventura Power Limited o SBPL.

Ang nasabing planta ng kuryente ay coal-based at may kapasidad na 500 Megawatts (MW). Ang plantang ito ang kauna-unahan at kaisa-isang planta ng kur­yente na gumagamit ng supercritical coal technology sa bansa. Ang inagurasyon ay dinaluhan at pinangunahan mismo ng ating presidenteng si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Taliwas sa paniniwala ng nakararami na marumi at nakasasama sa kapaligiran ang paggamit ng coal. Ang modernong teknolohiya na gagamitin ng bagong planta ng kuryente na ito ay tinatawag na supercritical sa kadahilanang bagaman ang prosesong gagamitin nito ay kahalintulad sa mga naunang planta ng kuryente na gumagamit ng coal, ang paglikha naman nito ng carbon ay mas mababa. Kaya’t makakaasa ang mga komunidad na malapit dito at ang mga grupong maka-kalikasan na hindi ito magdadala ng kapahamakan sa komunidad at sa kapaligiran.

Ang kapasidad ng planta na may laking 500 MW ay makatutulong sa pagdagdag ng supply ng kuryente na pumapasok sa grid lalo na sa Luzon.

Ang pangangailangan natin ng karagdagang supply ng kuryente sa bansa ay dapat masolusyunan sa lalong madaling panahon. Ang ipapasok na kapasidad ng kuryente ng SBPL ay malaking tulong dito. Kailangang masiguro na mayroon tayong sapat na supply ng kur­yente para sa maayos na takbo ng sistema sa bansa lalo na sa transportasyon at imprastraktura. Malaki ang papel na ginagampanan ng kuryente rito kaya’t mainam na madagdagan ang supply ng kuryente sa bansa.

Nawa’y mas dumami pa ang mga miyembro ng industriya na gumagamit ng mga istratehiyang pang-negosyo ukol sa pag-unlad nang walang malaking kapahamakang idinudulot sa kapaligiran at sa mga komunidad na kalapit ng mga ito.

Bilang pagtatapos, alalahanin natin ang salita ni Pangulong Duterte, “To our friends in the private sector, I ask you to follow the lead of San Buenaventura Power by investing in the generation of clean energy.”  (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

167

Related posts

Leave a Comment