MATINDI ang direktiba nina Officer-In-Charge Philippine National Police Chief Lt. General Archie Gamboa at National Capital Region Police Office director Brig. Gen. Director Debold Sinas sa lahat ng mga tauhan ng pulisya na paigtingin ang kampanya laban sa illegal gambling operation sa buong bansa.
Sa direktiba ni General Sinas, kanyang sisibakin sa puwesto ang sinumang pulis na mahuhuling nagtutungo sa mga night club at nagbibigay ng proteksiyon sa mga ilegal na pasugalan.
Ibig ni Sinas na malinis ang imahe ng mga pulis sa Metro Manila kaya parurusahan niya ang mga pulis na lalabag sa kanyang kautusan. Ang sinumang alagad ng batas na susuway sa kanyang kautusan ay tatanggalin sa puwesto.
Kasabay nito, may pagpapatigil din sa lahat ng uri ng ilegal na pasugalan sa buong bansa at paiigtingin ang kampanya laban sa illegal drugs. Para hindi na maulit pa ang isyu sa ninja cops. Pero teka, mukhang hindi pinakikinggan si Gamboa ng kanyang mga tauhan dahil patuloy pa rin ang illegal gambling sa lalawigan ng Pampanga, Bataan, Tarlac, Pangasinan at La Union kung saan sa lungsod ng Angeles City ay may isang alyas Rosebee na naglatag ng kanyang gambling empire sa teritoryo ni Mayor Carmelo Lazatin, Jr.
Matatagpuan ang peryahan o carnaval ni Rosebee sa Barangay Balibago, Barangay Cutod at Marque Mall malapit sa City Hall.
Hindi masama ang peryahan dahil nagbibigay ito ng kasiyahan sa mga tao, subali’t kapag hinaluan mo ng ilegal na pasugalan ay hindi na maganda. Mantakin mo, pagpasok mo sa loob ng peryahan na pawang carnaval, tatambad sa iyo ang halos 20 lamesa na pawang may mga color game, drop ball at pula-puti na pawang mga menor de edad ang mga tumataya sa naturang ilegal na pasugalan.
Ang siste, bakit tila hinahayaan ng awtoridad na mamayagpag ang ilegal na pasugalan sa loob ng mga peryahan na malinaw na labag sa batas?
Hindi na nga tuloy nakapagsasagawa ng mga drug operation ang mga pulis sa Angeles City dahil nakatuon ang kanilang atensiyon sa pagbabantay sa peryahan na sinasabing milyones.
Sintido kumon, kung talagang walang basbas ng mga nakaupo, ang mga peryahan o carnaval na may pasugalan ay hindi makakapag-opereyt, hindi ba?
Sa mga nakaupo, sana naman ipasara na ninyo ang mga pasugalan sa Angeles City at huwag na ninyong hintayin na sibakin kayo ni General Archie Gamboa.
Bukas ang kolum na ito para sa inyong mga panig. Abangan, may karugtong! (Hagupit ni Batuigas / MARIO B. BATUIGAS)
382