SEAG PHL ATHLETES: ANGKININ NYO ITO!

SPORTS CHAT

SA matagal na panahon na pagiging sportswriter/broadcaster, hindi mawala-wala ang patuloy na hinaing ng mga atleta pagdating sa paghingi ng suporta.

Madalas, sa gobyerno nabubunton ang sisi ng mga atleta dahil sa pagkakaintindi nila, “obligasyon” ng Philippine Sports Commission (PSC) na ibigay sa kanila ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Hindi alam ng ilan, ang tunay na obligasyon na kumalap ng pondo para sa kanilang kampanya ay ang mga mismong pinuno ng kani-kanilang sports.

Nabibilog ang ating mga ulo ng mga ‘lider’ na ito dahil imbes na magtrabaho at maghanap ng mga “corporate sponsors”, nag-aabang na lamang ito ng ayuda mula sa PSC, tipikal na si Juan Tamad na naghihintay na mahulog ang bunga sa puno.

Kaya madalas, naririnig natin ang mga NSA leaders na wagas na sinisisi ang PSC sakali man na hindi sapat o walang ayuda na maibigay ang Sports body ng gobyerno.

Trabaho ng inyong mga lider na maghanap ng “partners”, kadalasan mga private companies, para pondohan ang inyong sports at hindi dapat palabasin na tanging ang PSC lamang ang dapat pagmumulan ng kanilang pondo.

oOo

Sa Pilipinas, tatlong sports lamang ang naiisip ng mga Pilipino: PBA, volleyball at boxing.

Huwag na dapat natin sisihin ang mga ito dahil kung tutuusin, ginawa lamang nila ang dapat nilang gawin para kagiliwan at subaybayan ng mga Pinoy sports fans.

Sa tingin ko, nalalapit na ang panahon para ang iba pang sports tulad ng karate, taekwondo, skateboarding, swimming at tennis ay makagiliwan na din ng mga Pilipino.

Ngunit malaki ang gagampanan ng mga atleta pagdating sa pagkamit ng sinasabing “awareness” ng mga Pilipino sa mga nasabing sports.

Dapat malaman ng mga atleta maging ng kanilang lider na hindi sapat ang manalo ng gold sa mga international competition dahil hindi ito automatic na kikilalanin agad kayo ng inyong mga kababayan.

Kailangan dumaan kayo sa proseso kung nais ninyong magkaroon ng tunay at solid na fan base sa ating bansa.

Pinaka-importante dito ay ang pagiging “Game” ninyo sa mga imbitasyon sa mga public at maging private activities, media events, guestings at interviews.

oOo

Marami sa inyo, nagtatampo sa mga private sponsors dahil puro na lang basketball, puro na lang volleyball, puro na lang boxing ang sinusuportahan nila.

Ang bottom line, pera yan ng kanilang negosyo. Akala lang natin galawang pilantropo ang pagbibigay nila ng pera.

May kapalit yan na tama din naman dahil negosyo nga, diba? Bakit sila sponsor nina Manny Pacquiao, James Yap, Chris Tiu, Phil Younghusband? Kailangan din nila ng exposure na kanila lamang makukuha sa mga sikat na atleta.

Sikat ka ba?

Maaring hindi pa sa ngayon pero tatlong linggo mula ngayon, gaganapin na ang Southeast Asian Games sa bansa.

Majority ng mga Pinoy at maging mga potential corporate sponsors, nakatuon sa sinasabing Olympics ng Southeast Asia.

Gaya nga ng sabi ko, hindi sapat ang manalo ng ginto. Dapat din, aware ang mga tao at mga major companies na may iba pang sports na deserving ng kanilang suporta.

Minsan lang ito kaya bawat aktibidades, bawat camera, bawat imbitasyon sa radio at television stations at iba pang SEA Games activities, arya lang!

157

Related posts

Leave a Comment