TOURISM OFFICER SA BAWAT TOURIST DESTINATION HILING ITALAGA

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

ISINUSULONG ni Senador Nancy Binay ang panukala para sa pagtatalaga ng tourism officer sa bawat major tourist destinations sa bansa.

Sa kanyang Senate Bill No. 1124, iginiit ni Binay ang pag-amyenda sa Sections 443, 454 at 463 ng Local Government Code of 1991.

Ipinaliwanag ng senador na makatutulong sa pagpapalakas ng turismo ang pagtatalaga ng tourism officer sa major destinations at darami ang tourism-related investments.

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi nakapaloob sa Republic Act 7160 o “Local Government Code of 1991” na gawing permanent position ang tourism officers sa exclusive list ng mga opisyal sa bawat local government unit (LGU).

Subalit nakasaad anya sa Section 42 ng Republic Act 9593 o Tourism Act of 2009 na mandato ng bawat lalawigan, lungsod o munisipalidad kung saan turismo ang pangunahing industriya na magtalaga ng permanent tourism officer.

“Without a specific amendatory clause in The Tourism Act of 2009, the LGUs fail to establish permanent positions for tourism officers,” saad ni Binay.

Ipinaalala ng mambabatas na nasa P2.2 trilyon o 12.7 percent ng Gross Domestic Product (GDP) noong 2018 ang nagmula sa turismo.

“These figures are still expected to rise and create a remarkable quantity of employment opportunities. Thus, it calls for the need to fortify the tourism safeguards provided by RA 9593,” diin ni Binay.

 

140

Related posts

Leave a Comment