HANDA ang Manila International Airport Authority (MIAA) na ibigay ang kopya ng kanilang CCTV kasunod ng pagkakadiskubre sa umano’y “pastillas modus” na kinasasangkutan ng ilang mga taga Bureau of Immigration.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, sakaling magpadala ng request ang BI sa kanila para makakuha ng CCTV copy ng ilegal na transaksyon ay kanila itong pauunlakan.
Nilinaw ni Monreal na ang tanging maibibigay nilang kopya ay ang mga lugar na naaabot ng kanilang CCTV.
Ang katuwiran niya ay hindi pa raw kasi lahat ng lugar sa paliparan ay covered na ng CCTV bagama’t mayroong ‘on going projects’ ngayon.
Ito aniya ang maaaring maging partisipasyon ng kanilang ahensiya sa pumutok na kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga taga BI na “pastillas modus” o ang pagbabayad ng sampung libong piso bawat Chinese national na pumapasok sa bansa para magtrabaho sa POGO. CHRISTIAN DALE
