KINUMPIRMA ng International Paralympic Committee ang pagkakaloob kay swimmer Ernie Gawilan ng slot para sa Paralympic Games sa Agosto 25 hanggang Setyembre 6 sa Tokyo, Japan.
Ito’y sa kabila ng pagkakaantala ng Asean Para Games at kanselasyon ng ilang Para Games Qualifiers.
Inilahad ni PH Para swimming coach Tony Ong sa Radyo Pilipinas ang natanggap nilang abiso noong Pebrero 14 at kanya itong ipinadala sa PH Paralympic Committee na mangangasiwa o maglalakad ng mga kakailanganin ni Gawilan.
Ang nasabing slot ay ibinigay sa Pilipinas sa kabila ng kabiguan nitong lumahok sa Singapore World Para Qualifier, na kinansela bunga ng corona virus outbreak.
Si Gawilan kasama sina Garry Bejino, Arnel Aba at Roland Sabido ay nakakuha na ng Paralympic Qualifying points sa 2018 Asian Para Games at 2019 World Para Championships sa London.
Ang 28-anyos na si Gawilan na unang sumabak sa 2016 Rio Paralympics, ay muling magiging kinatawan ng Pilipinas sa Tokyo Games dahil nakalikom na siya ng pinamaraming Qualifying points.
Gayunpaman, kailangan ni Gawilan na sumabak sa isa pang Para Qualifier upang ire-classify ang kanyang ‘disability’ bago ang pormal na pagsali sa Tokyo Para Games.
Sa tulong mula sa World Para Swimming, sina coach Ong at ang PH Para Committee, ay naghahanap ng kompetisyon sa Europe para malahukan ni Gawilan.
Isasabak din ang iba pang swimmer sa susunod na Qualifier upang makahablot ng karagdagang Tokyo Para Games allocations, dahil kailangan pa ng karagdagang puntos. (VT ROMANO)
191
