2 ONLINE SELLER NG SHABU, TIMBOG

USER SHABU-2

TIMBOG ang dalawang lalaking hinihinalang nagbebenta ng ilegal na droga sa social media, sa operasyon ng mga awtoridad nitong Huwebes ng madaling araw sa Mandaluyong City.

Tinukoy ng Philippine Drug Enforcement Agency-Special Enforcement Service (PDEA-SES), ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sina Mark Kenneth Del Rosario San Juan at Jeffrey Villarin Saclao, kapwa residente ng Makati City.

Nadakip ang dalawa sa inilatag na buy-bust operation sa Guevara Street, Brgy. Highway Hills sa nabanggit na lungsod.

Nabatid mula kay PDEA-SES Director Levy Ortiz, limang piraso ng heringgilya na naglalaman ng liquid shabu o tinunaw na shabu na nagkakahalaga ng mahigit P40,000, ang kanilang nakumpiska mula sa mga suspek.

Ayon kay Ortiz, ang liquid shabu ay mabilis ang epekto sa katawan kapag itinurok na nagreresulta sa pagtaas ng libido.

Sinabi pa ni Ortiz, ito ang kauna-unahang operasyon ng PDEA na may nasamsam silang ganitong uri ng ilegal na droga sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga suspek gamit ang social media

Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JG TUMBADO)

 

206

Related posts

Leave a Comment