BLACKOUTS NA PWEDENG GAWIN NG CHINA MAS DAPAT KATAKUTAN

KAMAKAILAN lamang ay nagbigay ng babala ang Department of Energy (DOE) sa nakaambang yellow alert, red alert at brownouts sa dara­ting na Abril at Mayo dahil na rin sa inaasahang taas ng konsumo ng kuryente tuwing tag-init sa gitna ng taun-taong pagtaas ng pangangailangan sa kur­yente sa kabila ng kokonti naman ang naitatayong power plants para mag-supply ng kuryente.
Sa Luzon Grid, tantiya ng DOE sa pangangailangan ay aabot ng 12,285 MW, mas mataas ng 256 MW kaysa magagamit na kuryente na nasa 12,029 MW lamang habang inaasahan din ang pagtaas ng pangangailangan at kakulangan sa magagamit na kuryente sa Visayas at Mindanao.

Gayunman, pinapawi din ng DOE ang masyadong pag-aalala dahil noong Nobyembre 2019 pa lamang ay kanila nang napag-aralan ang magiging kalagayan sa darating na tag-init kaya nga ipinag-utos nito ang pagbabawal nang pagmimintena ng power plants sa buwan ng Abril at Mayo para ang mga ito ay hindi na makabawas pa sa magagagamit at bagkos ay makapag-supply ng kuryente.
Naihanda na rin ng mga Distribution Utilities katulad ng MERALCO ang mga malala­king gumagamit na may sariling back-up generator na gamitin ang mga ito sa halip na kumuha sa power grid. Sinabi rin ng DOE, na kailangan pa rin ma­ging handa dahil pwede pa rin magka-brownouts kung kahit isa man sa mga planta na nagsu-supply ay masira kagaya nang nangyari noong nakaraan taon.

Marami sa brownout ay nangyayari dahil sa Automatic Load Shedding o ang awtomatikong pagtanggal ng supply sa piling gumagamit na isanasagawa ng National Grid Coproration of the Philippines (NGCP) kung may magkaaberya at umaalis na planta sa power grid.

Napag-alaman na hindi tumutupad ang NGCP sa kanyang obligasyon na bumili at magtakda ng reserba upang maiwasan ang Automatic Load Shedding. Ito ay pinag-uutos ng Philippine Grid Code na binuo, pinagtibay at inilahad ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong pang 2001. Itong pagkukulang at hindi pagsunod ng NGCP sa kanyang mga obligasyon bilang System Operator ng power grid ng bansa ang dapat silipin at singilin sa mga brownouts na nangyari na at mangyayari pa.

Ngayon, ang dapat na mas pangambahan at katakutan ay hindi lamang ang mga brownouts dahil sa manipis na supply ng kuryente at Automatic Load Shedding ng NGCP ngunit ang maaaring gawin ng China na pagpatay sa kuryente ng buong bansa dahil ibinigay ng NGCP sa China ang susi na pwedeng magkontrol ng kuryente sa Pilipinas.

Noong isinapribado ang tungkulin ng National Transmission Corporation (TRANSCO) sa power transmission na tinuturing super-highway ng kur­yente sa buong bansa na naghahatid ng kuryente mula sa mga power plants papunta sa mga lunduyan ng mga distribution utilities katulad ng MERALCO at mga electric cooperatives, ibinigay ng gobyerno sa NGCP ang lahat ng pamamahala at control.

Ang NGCP ay pribadong kumpanya na 40 porsyento ang pag-aari ng gobyerno ng China. Sa kabila ng 30 porsyento na pag-aari ng grupo ni Henry Sy, Jr. ng SM Investments Corp. at 30 porsyento ng Calaca High Power Corp. na pinamumunuan ni Robert ­Coyiuto, Jr., ang Chairman ng Board of Directors ng NGCP ay mula sa State Grid Corporation of ­China, si Ginoong Zhu Guangchao. (May karugtong)

172

Related posts

Leave a Comment