NAIS ng ilang mambabatas na obligahing magbayad ng pagkakautang ang malalaking kumpanya.
Kaya naman sinabi ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na tutulungan nila sa Kongreso ang Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na masingil ang mga negosyanteng magpapahirap sa taumbayan dahil sila ang papasan sa hindi mababayarang pagkakautang ng mga ito.
Wala umanong planong manahimik ang ilang mambabatas sa mistulang panggugulang ng malalaking negosyante sa bansa, ani House committee on good government chairman Rep. Jose Sy-
Alvarado na katuwang ni House committee on public accountability chairman Defensor sa pag-iimbestiga sa P95 Billion na atraso ng malalaking negosyante.
Natuklasan sa pagdinig nina Defensor at Alvarado ang utang na ito ng mga negosyanteng bumili ng assets ng National Power Corporation (Napocor) subalit ayaw umanong magbayad ng mga ito.
Kabilang sa mga negosyanteng ito ay ang may-ari ng South Premier Power Corporation (SPPC) na may atraso sa gobyerno na umaabot sa P23.9 Billion at ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan na aabot naman sa P14.9 Billion ang utang.
Lumitaw sa imbestigasyon na nang singilin na umano ng PSALM ang mga nabanggit na negosyante sa kanilang utang sa nabiling assets ng Meralco ay tumakbo ang mga ito sa Korte Suprema kaya natigil ang pagbabayad ng mga ito.
“Nagkaroon tayo ng joint hearing sa MWSS, sa Maynilad, sa Manila Water. Mas higit nating hahabulin ito dahil mas malaki ito. Hatalang-halata na ginugulangan yung gobyerno, ginugulangan ang taumbayan dito,” ayon pa kay Alvarado.
Sabi naman ni Defensor, “Tiyak magagalit dito ang Pangulo. Dun nga sa Singapore P11 B nagalit na ang Pangulo dito pa kaya?”.
Ang tinutukoy ni Defensor na P11 Billion na sinisingil ng Manila Water at Maynilad ay kaugnay sa pagkatalo ng gobyerno sa arbitration case sa Singapore subalit hindi itinuloy ng mga nasabing water company dahil nagalit si Pangulong Duterte. BERNARD TAGUINOD
212 