MISTULANG sinupalpal si House Speaker Alan Peter Cayetano nang sabihin ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na hindi paglabag sa Saligang Batas ang isasagawang pagdinig ng Senate
committee on public services hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation kahit wala pang inaprubahang panukala sa mababang kapulungan.
Sa pahayag, sinabi ni Angara na matagal nang kalakaran sa Kongreso na isinasagawa ang pagdinig sa anomang panukala tulad ng pambansang badyet kahit hindi pa naihahain sa mataas na
kapulungan ang General Appropriations Bill (GAB).
“There is no violation of the Constitution with regard to the hearing of the Committee on Public Services on the issues surrounding the franchise of ABS-CBN scheduled for tomorrow,” giit ni Angara.
Naunang binatikos ni Cayetano si Senador Grace Poe, chairman ng komite, sa pagtatakda ng pagdinig hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN kahit hindi pa inaaprubahan ng mababang kapulungan.
Aniya, nakatakda sa Section 24 ng 1987 Constitution o mas kilala bilang “origination clause,” na lahat ng private bills tulad ng prangkisa ay dapat nagsimula sa mababang kapulungan.
Sinabi ni Angara na matagal nang ginagawa ng Senado na dinggin kaagad ang mga panukalang ito habang naghihintay na aprubahan ito ng mababang kapulungan at ipadala sa mataas na kapulungan upang sang-ayunan. ESTONG REYES
305 