NEGROS – PATAY ang apat na katao kabilang ang dalawang matanda na magpapagamot sana sa albularyo matapos araruhin ng sinasakyan nilang kotse ang motorsiklo saka sumalpok sa gate nang makaidlip umano ang driver, iniulat kahapon ng umaga sa Bacolod City.
Kinilala ang mga namatay na sina Angeles Salmorin, 83; Dolores Granada, 83, at Delina Abana, 56, at Jeljuredi Labrador, 15; habang sugatan naman sina Anabelle Estil, 39, at Rolinda Barte, 77, at drayber ng Mitsubishi Mirage na si Froilan Samillano.
Batay sa report ng Manapla Municipal Police Station (MPS),dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Barangay Tortosa, Manapla kung saan patungo sanang albularyo ang mga biktima para maipagamot ang dalawang matanda.
Bigla na lang umanong inararo ni Samillano ang motorsiklo at ang gate ng isang bahay na dahil sa lakas ng pagbangga ay agad na binawian ng buhay si Labrador habang nasawi naman ang tatlo habang ginagamot sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH).
Aminado si Samillano na nakaidlip siya hanggang sa mawalan na siya ng kontrol sa manibela na naging sanhi ng aksidente na ikinamatay ng apat.
Patuloy naman ginagamot sa ospital ang mga sugatan kabilang si Samillano na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at physical injuries. Annie Pineda
