ABS -CBN, UMIWAS SA KONSTITUSYON?

Nagtayo ng ibang kumpanya para sa ‘foreign funds’

ALAM na alam ng pamilya ni Eugenio Lopez Jr. na ang media company ay dapat 100 porsiyentong pag-aari at pinangangasiwaan ng mga Filipino alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng Konstitusyong 1987.

Kaya, malakas ang loob na iwasiwas at igiit ng pamunuan ng ABS-CBN Corporation na pag-aari ang media company na ito ng mga Filipino, sa pangunguna ng mga Lopez ng Iloilo.

Ngunit, kapag binusisi at pinag-aralang mabuti ang ABS-CBN, makikitang mayroong nakapasok na mga negosyanteng dayuhan na tumaya at naglagak ng pondo sa naturang kumpanya.

Dahil malinaw ang binabanggit ng Artikulo XVI, Seksiyon 11 ng Konstitusyon na “The ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives or associations, wholly owned and managed by such citizens.”

Noong Marso 30, 1998, bumuo at nagtayo ang pamilya Lopez ng ABS-CBN Holdings Corporation, na ayon sa kuwento at paliwanag ng ABS -CBN sa kasaysayan ng kumpanya na makikita sa internet, “ABS-CBN Holdings Corporation was incorporated as Worldtech Holdings Corporation, for the primary purpose of issuance of the Philippine Depository Receipt (PDR) and the acquisition and holding of shares of ABS-CBN Corporation.”

Naganap ito tatlong taon makaraang ipasa ang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN Corporation noong Marso 30, 1995.

Mayo 4 naging epektibo ang prangkisa makaraang lumabas sa dalawang pambansang pahayagan ang batas na ipinasa ng Kongreso.

Sa unang serye ng balita ng Saksi Ngayon ukol sa PDR na lumabas kahapon, ang pagtalakay ni Lorenzo E. Delgado, editor-in-chief, ng The Bedan Review, noong Enero 2018, sa artikulong “Philippine Depositary Receipts: Mass Media’s Existing or Emerging Loophole To Constitutionally Mandated Full Filipino Ownership?,” ang isyu ng PDR kung saan idiniin niya na ang “PDRs are financial instruments that foreign funds can buy into [a Filipino-owned company], [thus,] allowing media and other Filipino firms that must keep foreign ownership at 40%, to raise funds globally.”

Batay sa paliwanag na ito, ang PDR ay isang pampinansiyang instrumento na maaaring bilhin ng dayuhang negosyante mula sa kumpanyang pag-aari ng mga negosyanteng Filipino tulad ng ABS-CBN Holdings Corporation upang magkaroon ng “parte” o “sapi” (share) ang nasabing dayuhan upang kumita. (Itutuloy) NELSON S. BADILLA

 

224

Related posts

Leave a Comment