BAGSAK sa kulungan ang tatlo katao na kabilang sa drug watch list, matapos maaktuhan ng mga pulis na nag-aabutan ng ilegal na droga sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon Police chief P/Col. Jessie Tamayao ang arestadong mga suspek na sina Loreto Adap, 49; Joseph Chico, 42, at Carlo Tan, 30, pawang mga residente ng University Avenue, Brgy. Potrero.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jerry Basungit, alas-3:00 ng madaling araw, nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2, sa pangunguna ni P/Lt. Edgardo Magnaye, sa kahabaan ng Guava Road, Brgy. Potrero nang makita ng mga ito si Adap na may inaabot na plastic sachets ng shabu kay Chico at Tan na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.
Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang apat na plastic sachets na naglalaman ng 2.0 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P13,600 ang halaga at P200 cash na nakuha kay Adap.
Bunsod nito, inaresto ang mga suspek na sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)
168 