(PFI INVESTIGATIVE TEAM)
MIYERKOLES na ngayon, ngunit walang regional director sa Philippine National Police (PNP) na tinanggal ni General Archie Francisco Gamboa sa puwesto dahil sa talamak na ilegal na sugal.
Batid ng maraming opisyal at kasapi ng PNP – at maging ng mga journalist – na maraming heneral ang matatanggal sa puwesto nitong Linggo dahil sa hindi pagsunod sa utos ni Gamboa.
Ang inaabangang sibakan ng mga regional director ay batay sa inanunsiyo ni Gamboa na tatanggalin niya sinoman sa kanila kapag hindi napatigil ang anomang uri ng ilegal na sugal, lalo na ang jueteng o “bookies” ng small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
STL PRENTE
NG JUETENG
Lahat ng regional directors ay “brigadier general” ang ranggo, maliban sa hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Major General Debold Sinas.
Kahit alam ng intelligence unit ng PNP na napakatalamak ng mga ilegal na sugal sa National Capital Region (NCR) ay malabong matanggal sa puwesto si Sinas, sapagkat “bataan” umano ito ni Gamboa.
Ayon sa mga impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon, patuloy ang pa-jueteng ng isang alyas “Santos” sa lungsod ng Marikina, Pasig, bayan ng Pateros at Taguig City.
BOOKIES NG STL
NI ALYAS SANTOS
Si alyas “Don Ramon” ay patuloy na namamayagpag ang bookies ng STL o jueteng sa Quezon City, Caloocan, Malabon, Navotas hanggang Valenzuela.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, patuloy ring namamayagpag ang jueteng operation ni alyas Don Ramon sa maraming lungsod at bayan sa Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Maliban kay alyas Don Ramon, namamayagpag din sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava) ang negosyong jueteng ni alyas “Archie.”
Bukod sa jueteng, tuluy-tuloy pa rin ang operasyon ng video karera ni alyas “Recto” sa buong Camanava na umaabot pa sa Quezon City.
Si Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang district director ng Camanava.
Pasok din ang bookies ng STL ni alyas “Tee Pang” sa Cubao at Nepa Q – Mart.
Ang isa pang kilalang gambling lord ay si alyas “Boy Abang” ng Maynila.
Ayon sa source, kontrolado ni alyas Boy Abang ang bookies ng STL at bookies ng karera sa buong Maynila.
Si alyas Boy Abang ay sobrang lakas daw sa city hall ng Maynila. Dahil sa kanyang ‘kapit’ sa city hall kaya hindi mapatigil ni Manila Police District (MPD) Director Bernabe Balba ang bookies ng STL at karera sa Maynila.
