NAIS ni Cavite Rep. Pidi Barzaga na kumilos ang lahat ng Local Government Units (LGUs) at tiyaking sumailalim sa 14-day quarantine ang lahat ng Pilipinong darating sa Pilipinas mula sa mga bansang may kaso ng COVID-19.
Ayon kay Barzaga, ang forced quarantine ay paraan para makita agad kung sino ang posibleng magkasakit at hindi na magawang makahawa pa ng iba.
Tinukoy ni Barzaga ang nakapaloob sa Local Government Code na maaaring ipasa sa LGUs ang mga usaping may kinalaman sa kalusugan para makatulong ito lalo na sa panahong kailangan tumugon sa problema o emergency.
Hiniling naman ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman at Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa mga airline at travel agencies na payagan ang mga biyahero na kanselahin at i-rebook ang kanilang flights sa mga bansang may kumpirmadong COVID-19.
Sa House Resolution 749 ay hiniling ni Hipolito-Castelo sa mga airline at travel agencies na ilibre ang mga pasahero sa cancellations at rebooking ng mga byahe at huwag nang patawan ang mga ito ng multa.
Ang ganitong hakbang umano ng airlines at tour operators ay dagdag kontribusyon para sa national effort ng bansa sa paglaban sa sakit.
Hinimok din ni Castelo na i-exempt sa import duties at local taxes ang face masks, sanitizers at iba pang kahalintulad na produkto.
Ayon kay Castelo, kung ililibre sa buwis ang nasabing mga produkto ay matitiyak ang sapat na supply ng mga ito, stable na presyo at maiiwasan din ang hoarding sa panahon ng krisis.
Bagamat batid ni Castelo na bahagyang makababawas sa kita ng gobyerno ang pag-exempt sa buwis ng health products, ang kapalit naman aniya nito ay kaligtasan ng publiko. ABBY MENDOZA
