SINUSPINDE ng Bureau of Corrections (BuCor) ang visiting privileges ng mga bilanggo sa mga kulungan nito sa buong bansa bilang pag-iingat sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang suspensyon ay magsisimula ngayong umaga (Miyerkoles) at tatagal ng isang linggo at sakop ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City at lahat ng kulungan at penal farm kagaya ng Iwahig at San Ramon.
Magugunitang dalawang araw na ang nakalilipas ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang public health emergency dahil sa tumataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa. DAVE MEDINA
BJMP-DAVAO
Nagpatupad din ng suspension sa mga dalaw at service providers ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Davao City simula nitong Lunes, Marso 9.
Sinabi ni Jail Warden Harvey Malnegro, ito ay may kaugnayan sa Code Red Alert ng Davao City government na nagpatupad na rin ng istriktong patnubay upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Hindi naman kasali ang mga legal practitioner, health workers, law enforcement agents, na maari pa ring makapasok sa pasilidad ng BJMP ngunit kailangang sumunod sa protocol ng “Oplan 2019 Novel Coronavirus”.
Sa ngayon, ayon kay Malnegro, tanging ang E-dalaw muna ang magiging paraan upang makakonekta sa kanilang mga mahal sa buhay.
Samantala, nakasuot na rin ng facemask ang mga empleyado sa provincial capitol ng Davao del Sur simula noong Lunes bilang tugon sa utos ni Gov. Douglas Cagas na ‘no facemask, no entry’ policy sa mga opisina.
Ayon kay Cagas, magpapalabas sila ng P20 milyon mula sa calamity fund bilang agarang aksyon ng probinsya laban sa virus. DONDON DINOY
NEGATIBO
Negatibo naman ang napaulat na kaso ng COVID-19 sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan.
Ito ang pagtitiyak ni Dra. Joy Gomez, hepe ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) sa isang panayam, Martes ng umaga.
Ayon kay Gomez, nagulat sila sa inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na meron nang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Sta. Maria samantalang wala naman umano silang namonitor.
Kahit nga aniya ang Regional Office ng Department of Health na nakabase sa San Fernando, Pampanga ay walang na-monitor na may confirmed case na ng spreadable disease sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, kinansela kahapon ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang klase sa lahat ng antas sa lalawigan ng Bulacan bilang pag-iingat dahil may ilan nang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila na halos kapitbahay lamang ng lalawigan. ELOISA SILVERIO
