TINIYAK kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) na nakahanda silang magtalaga ng karagdagang puwersa sa muling pagbubukas ng klase para lamang matiyak na magiging maayos at payapa ang pagbabalik-eskuwela ng milyong mag-aaral sa Metro Manila.
Matapos ang isinagawang deployment ng nasa mahigit apat na libong pulis sa kalakhang Maynila kaugnay sa magaganap na school opening sa Lunes, siniguro ng NCRPO ang kahandaan nitong mag-deploy ng karagdagang miyembro ng pulisya kung kinakailangan.
Nabatid na nagpakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kabuuang 4,402 pulis sa nakatakdang pagbubukas ng School Year 2026-2027 kaugnay sa kanilang Oplan Balik Eskwela 2026.
Paalala ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin sa publiko, “Keeping students safe is a team effort.”
“Every student deserves to begin the school year in a safe environment,” ani PMGEN Aberin. “Through Oplan Balik Eskwela 2026, the NCRPO stands ready to protect and respond, ensuring our schools remain secure spaces for learning.”
Ayon naman kay NCRPO Public Information Office (PIO) chief, Police Major Hazel Asilo, palalakasin ang kanilang deployment sa iba’t ibang mga paaralan sa buong kalakhang Maynila upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtutok sa seguridad.
Karamihan sa kanila ay magbabantay sa labas ng mga paaralan para sa pinaigting na police visibility at mobile patrol habang ang iba ay magbabantay sa mga itatatag na Police Assistance Desks at tutulong din sa daloy ng trapiko.
Batay sa record ng NCRPO, inaasahang muli ang pagdagsa ng mga magulang at mga estudyante sa mga pangunahing places of convergence bukod sa mga paaralan at ilang malalaking lugar.
(JESSE RUIZ)
64 