MGA BATA BAWAL GUMALA; Pinamo-monitor ng DILG sa PNP, metro mayors

NAGLABAS ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) na nag-aatas sa Philippine National Police (PNP), lahat ng alkalde sa National Capital Region (NCR) at maging sa barangay levels, na tiyaking walang bata at mga estudyante ang makikitang nakatambay sa mga pampublikong lugar tulad ng mall dahil sa banta ng COVID-19.

Ang nabanggit na hakbang ay ayon sa deklarasyon mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang klase sa lahat ng antas sa buong Kamaynilaan simula kahapon, Marso 10 na tatagal hanggang Marso 14.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, iniutos ng pangulo ang pagtiyak na walang mga bata ang makikita sa matataong lugar partikular sa mga mall sa kasagsagan ng class suspension para mapigilan ang local transmission ng nakahahawa at nakamamatay na virus.

“The President has directed all local officials in NCR from mayor down to punong barangays as well as all units of the Philippine National Police to ensure that no children are seen loitering around and, if they are seen, they are to be immediately sent home to do their homework,” pahayag ni Año.

Kasabay nito, pinakiusapan ng Malakanyang ang mga may-ari ng mall at sinehan na makisama at tumulong sa pagsugpo ng bansa sa COVID-19.

Sa pamamagitan ito ng paghikayat na huwag papasukin sa kanilang mga establisimyento ang mga estudyante sa panahong ito na may class suspension.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, kahit ito na lamang ang maging kontribusyon ng mga mall owner at moviehouses sa ginagawang mga hakbang ng pamahalaan para mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko laban sa COVID-19. JG TUMBADO, CHRISTIAN DALE

232

Related posts

Leave a Comment