TINIYAK ni Senate President Vicente Sotto III na magsasagawa ng special session ang Senado upang ipasa ang P27 bilyon na magsisilbing food budget para sa milyun-milyong mahihirap habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Ani Sotto, ang naturang halaga ay ipamamahagi sa mga manggagawang nawalan ng kita simula nang ipatupad ang community quarantine sa National Capital Region (NCR) nitong Marso 15 hanggang ginawang enhanced community quarantine na sinakop na ang buong Luzon.
Ang enhanced quarantine ay tatagal hanggang Abril 14 alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sotto, sa P27 bilyon, P300, sa halip na P500, ang ibibigay sa bawat mahihirap na pamilya ng mga manggagawang nawalan ng kita dulot ng pagpapatigil sa trabaho ng maraming kumpanya, maliban doon sa mga kumpanyang may kinalaman sa pagkain, gamot, tubig at kuryente ang trabaho.
Nilinaw ni Sotto na “ideal” sana kung P500 kada pamilya bawat araw ang ibibigay ng pamahalan, ngunit malaki ang negatibong epekto sa pera ng pamahalaan ang P500, kaya P300 ang posibleng ipamahagi sa bawat apektadong pamilya.
Posibleng isagawa ang special session ngayong Sabado o sa Lunes, sa pamamagitan ng teleconferencing, saad ni Sotto.
Inaasahan ding magsasagawa ng sariling special session ang Kamara de Representantes, sapagkat hindi matutuloy ang pagkakaroon ng karagdagang P27 bilyon ng administrasyong Duterte kung hindi kikilos ang mababang kapulungan ng Kongreso.
Ang P27 bilyong badyet sa pagkain ay magsisilbing supplemental budget ng P4.1 trilyon pondo na gagamitin ngayong taon.
Kamakailan, naglabas na rin ng pondo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang alalayan si Pangulong Duterte sa kanyang desisyong ayudahan ang mahihirap na Filipino makaraang isailalim niya ang Luzon sa pinalakas at pinalawak na community quarantine.
Sa kabilang banda, nanatiling suspendido ang paglalabas ng pondo para sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), social pension ng mahihirap na senior citizens, unconditional cash transfer (UCT) at ba pang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ipinatigil ni DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista ang pamamahagi ng mga nasabing tulong sa mahihirap na Filipino upang protektahan ang mga benepisyaryo mula sa COVID – 19.
Ang perang nakukuha ng mga benepisyaryo ay ipinadadala ng DSWD sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines (LDP) o Automated Teller Machne (ATM). NELSON S. BADILLA
224 