NBI: Pekeng nakawan, holdapan ‘wag nang i-post PASIMUNO NG FAKE NEWS TUTUGISIN

NAGBABALA ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga nagpapakalat ng ‘fake news’ na kanila itong hahabulin at sasampahan ng kaso dahil sa paghahasik ng kaguluhan at pangamba sa publiko.

Pinakilos na ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor ang Cyber Crime Division (CCD), ang Digital Forensic Division at iba pang Investigative units, kabilang ang mga Regional Operations Service para i-trace ang mga taong nagpakalat ng mga pekeng balita sa social media.

Kabilang sa mga kumakalat ay ang mga post ukol sa bantang pagnanakaw, looting, panghoholdap at akyat-bahay ng mga nawalan ng pagkakakitaan habang ipinatutupad ng ‘enhanced community quarantine’ sa buong  Luzon.

Iginiit ni Distor na hindi totoo na nagpalabas ang US State Department ng pahayag ukol sa ‘global looting’ na mararanasan sa loob ng isang buwang community quarantine.

“All these reports are baseless and totally untrue,” ayon sa pahayag ni Distor.  “The International Operations Division is now gathering relevant data and other information for possible case build-up and filing of cases against the perpetrators of fake news,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag ni Distor sa mga opisyal, na sa communications channel lamang nagpapalabas ng opisyal na pahayag ang US State Department.

Ipadadala ng NBI ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa kalihim ng Department of Justice para sampahan ng kaso ang naturang mga personalidad.

Sinabi rin ni Distor, malaya ang sinuman na kumuha ng klaripikasyon sa NBI sa pagiging tumpak ng kanilang ulat.

Muli niyang sinabihan ang publiko na maging responsable at makipagtulungan sa pamahalaan sa lahat ng polisiya na ipinatutupad upang malagpasan ang banta ng COVID-19 sa bansa. (RENE CRISOSTOMO)

249

Related posts

Leave a Comment