Hahabulin pagkatapos ng ECQ KASO, MULTA SA CURFEW VIOLATORS

INIHAYAG ng Philippine National Police na hindi na nila huhulihin at ikukulong ang mga lalabag sa curfew na ipinatutupad ng local government units (LGUs) habang umiiral ang Luzon-wide enhanced community quarantine.

“Sa recommendation ng Department of Justice Secretary na aming sinang-ayunan, nagbigay ng utos ang chief PNP na lahat ng curfew violators ngayon, hindi na po ikukulong,” ayon kay PNP deputy chief for operations Police Lieutenant General Guillermo Eleazar sa Laging Handa public briefing, araw ng Sabado, Marso 28.

Ang mga lalabag aniya sa curfew ay pagmumultahin at parurusahan matapos ang Luzon-wide lockdown.

“Kukunin ang circumstances at ipa-file na lang namin ang kaso. At large po ‘yung mga ‘yan para pagkatapos ng krisis na ito saka natin pananagutin ‘yun at depende rin sa mga multa at penalties na nakasaaad sa ordinansa ng curfew,” ayon kay Eleazar.

Sa kabilang dako, patuloy namang iniimbestigahan ng PNP ang ulat na physical punishments laban sa mga lumabag sa curfew.

“Merong ibang kaparusahang ginagawa yung iba pero patuloy na pinagsasabihan natin ‘yung ating commanders on the ground na wala dapat na mangyaring physical punishment na pinabibigay sa kanila. Hindi dapat binibilad, hindi dapat pinapalo. ‘Yan ang aming iniimbestigahan,” ani Eleazar. CHRISTIAN DALE

229

Related posts

Leave a Comment