TAYTAY HEALTH OFFICER TINAMAAN NG COVID-19

RIZAL – Inamin ng isang health officer sa bayan ng Taytay sa lalawigang ito, na nasuri siyang positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at ngayon ay naka-home quarantine ngunit stable ang kanyang kondisyon.

Sinabi ni Dr. Jeffrey Roxas, sa kabila ng kanyang kalagayan ay nagtatrabaho pa rin siya sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone at nagbibigay ng ‘instructions’ sa mga kawani ng ospital at frontliners, kung ano ang mga dapat gawin.

Patuloy rin aniya ang kanyang koordinasyon kay Mayor Joric Gacula hinggil sa up-dates sa COVID-19 cases sa kanilang lugar.

Ayon pa kay Dr. Roxas, bilang kasama sa frontliners, posibleng nahawa siya ng virus sa nakasalamuha niyang PUIs, PUMs gayundin sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.

Nabatid sa Department of Health, ang mga nakasalamuha ng taong positibo sa COVID-19 sa loob ng limang araw, ay dapat mag-home quarantine sa loob ng 14 days at kapag nakaramdam ng mga sintomas katulad ng ubo ay dapat agad magpasuri sa doktor sa ospital.

Ang bayan ng Taytay ay patuloy ang isinasagawang “disinfection” at ipinatutupad ang “social distancing” habang namamahagi ng relief goods sa mga residente.

Gayunman, sinabi ni Dr. Roxas, nalulungkot siya na bagama’t nahaharap ang bayan sa krisis ay patuloy pa rin ang politika at siraan.

Dapat aniya ay magtulungan na lamang para malabanan ang nakamamatay na virus. (KNOTS ALFORTE)

166

Related posts

Leave a Comment