PATULOY pa rin ang pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa ating bansa at noong Sabado ay tumungtong na sa libo ang bilang samantalang ang bilang ng mga gumaling ay nasa wala pa sa kwarenta. Ang mga pasyenteng nasa ospital na may COVID-19 ay walang mga kasamang bantay kaya’t talagang makukuba na sa pagod ang mga healthcare worker sa mga ospital.
Bukod dyan ay araw-araw din silang nakaharap sa panganib nang pagkakaroon ng virus.
Ngunit kailangan nilang gawin ang kanilang sinumpaang tungkulin upang mapagtagumpayan ng ating bansa ang pandemyang ito na kasalukuyang bumabalot sa buong mundo.
Bilang pagkilala sa patuloy na serbisyo ng mga tinaguriang frontliners gaya ng mga doktor, nars, pulis, militar, mga janitor, at iba pang trabaho na patuloy pa rin ang serbisyo ngayong may pandemya, dagsa ang tulong at suporta para sa mga ito mula sa mga pribadong kumpanya at ilang mga Non-Government Offices o NGO.
Ang isa sa mga pinakamalaking grupo ng negosyo sa bansa, ang Metro Pacific Investments Corp. (MPIC), sa tulong ng mga kaalyado nitong kumpanya gaya ng Metro Pacific Investments Foundation (MPIF), Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), Manila Electric Company (MERALCO), Maynilad, Light Rail Manila Corporation (LRMC), Global Business Power (GBP), at ng MPIC Hospital Group, ay nakalikom at nagpamigay sa iba’t ibang munisipalidad, ahensya ng gobyerno, at mga institusyong medical sa buong bansa ng suportang nagkakahalaga ng halos P200 milyon nito lamang nakaraang linggo.
Ang bawat kumpanya na kabilang sa grupong ito ay may kanya-kanyang kontribusyon sa pagsiguro na may maayos at sapat na supply ng mga kinakailangan ang mga frontliner. Ang MPIC at MPIF ay nagpamibigay ng mga bitamina at PPE sa mga empleyado ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), Philippine Genome Center at Lung Center of the Philippines. Ang Meralco naman ay sinisiguro ang tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente lalo na sa mga ospital at institusyong medikal. Ang Maynilad naman ay nagpamahagi ng supply ng tubig na maiinom sa iba’t ibang checkpoint ng Philippine National Police (PNP). Ang MPTC naman ay namahagi ng mga relief goods sa mga barangay sa kahabaan ng NLEX, SCTEX, at Cavitex. Namigay naman ng mga face mask ang One Meralco Foundation sa Rizal Medical Center, Philippine Heart Center at sa Department of Transportation (DOTr). Mga alcohol at thermometer naman ang pinamigay ng LRT-1 sa mga tindahan sa kanilang mga estasyon at pati na rin sa mga mananakay.
Sa panahon ngayon, ang mas dapat pahalagahan ay ang pagkakaisa at pagtulong sa mga nangangailangan. Hindi na mahalaga kung ang tulong ay galing sa pribadong korporasyon o sa mga maliliit na negosyante. Ang mahalaga ay ang masuportahan natin ang mga bagong bayani natin – ang ating mga frontliner, dahil sila ang puspusang kumikilos upang mapagtagumpayan nating lahat ang pandemyang ito. Isang pagpupugay para sa lahat nang patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa kabila ng panganib na magkaroon ng COVID-19.
381
