BALIWAG, Bulacan — Gumawa ang mga drug reformist ng Baliwag Bahay Pagbabago Reformation Center ng face shield upang makapag-ambag para sa frontliners sa gitna ng krisis na kinakaharap ng mga healthcare worker kaugnay ng coronavirus o COVID-19 outbreak.
Ayon kay Baliwag Municipal Administrator Eric Tagle, gamit ang mga foam at acetates ay gumagawa ang mga drug reformist ng do-it-yourself o DIY na facial shields upang makatulong sa frontliners na kasalukuyang kinakapos sa PPEs katulad ng facemasks, gloves at face shields.
Target ng mga naturang repormista na makagawa ng 700 piraso nito upang i-donate sa mga ospital, check points at mga kawaning nagsasagawa ng relief operations.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Baliwag Mayor Ferdie Estrella sa inisyatibong ito ng mga reformist ng Bahay Pagbabago.
“Salamat sa inyong malasakit sa paggawa ng facial shield para sa ating mga anti-COVID19 frontliners, malaking bagay ito sa mga bayani nating frontliners,” ani Mayor Estrella.
Magugunita na isa si Estrella sa nagpositibo sa COVID-19 at nakarekober makaraang sumailalim sa 14-day quarantine.
Negatibo na ngayon ang alkalde sa isinagawang reconfirmatory test ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM). ELOISA SILVERIO
206
