PARA kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, dapat mabigyan ng tulong ang lahat ng pamilyang apektado ng ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 crisis.
Sinabi ni Lacson na dapat gawin ngayon ng gobyerno ay linawin ang sinasabing 40% gap o magkaibang datos ng national at local government hinggil sa bilang ng mga pamilyang dapat tumanggap ng cash assistance.
“First, they should reconcile the wide gap between the DOF/DSWD list based merely on projection and the data generated by the LGUs’ community based surveys which is more accurate and updated. The gap averages at least 40% nationwide,” saad ni Lacson.
Dapat anyang magmula sa mga lokal na pamahalaan ang talaan at saka naman isasailalim sa balidasyon ng national government, sa halip na magmula sa national government pababa.
Mas nanaisin din ni Lacson na bawasan ang halaga ng matatanggap ng bawat pamilya upang masakop din ng programa ang sinasabing 40% gap.
Kung hindi naman, posible rin anyang mag-realign ng pondo mula sa mga hindi pa nagagamit na budget noong isang taon upang mapakinabangan ng mas nakararami sa ganitong sitwasyon.
“It is better to adjust the average amount to be distributed rather than neglect the 40% that cannot be accommodated, then realign more funds even from the other items from the 2019 unused appropriations to compensate for the difference in the next round,” diin ni Lacson. DANG SAMSON-GARCIA
197
