‘Iniyabang’ sa FB live puro kasinungalingan CAYETANO KINUYOG NG BRGY. CHAIRMAN

PUMALAG ang mga barangay captain sa mga pahayag ni House Speaker Alan Cayetano sa kanyang facebook live hinggil sa Social Amelioration Program (SAP) dahil taliwas anila ito sa katotohanan.

Pinabulaanan ng mga punong barangay ang ibinida ni Cayetano na bawat pamilya ay mabibigyan ng SAP na mula P5k-P8k na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa FB live ni Cayetano noong isang linggo, inilahad nito kung paano at sino ang mga dapat makinabang sa SAP fund.

Ayon umano kay Cayetano, kung ilang pamilya ang nasa loob ng isang bahay ay ganun din dapat ang bilang ng SAP form na ibibigay. Ito ay dahil karaniwan sa mga tahanan ngayon ay hindi lang isang pamilya ang naninirahan.

Agad naman itong tinugon ng isang punong barangay mula sa Angeles City na nag-FB live din at pinabulaanan ang sinabi ni Cayetano.

Ayon sa punong barangay, sa isang household na may tatlong pamilya ay isang SAP form lang ang ibibigay kaya sa P6,500 na ayuda ay maghati-hati na ang mga ito.

Sa FB live naman ng isang kapitan ng Brgy. Mayondon, sa Los Baños, Laguna noong Abril 6, 2020, sinabi niyang sa miting ng kanilang munisipyo ay nalaman niyang 16,000 household ang nasa listahan, subalit ang naaprubahan na mabigyan ng form ay 6,000 household lang.

Kasunod nito ang FB live ng isa pang barangay chairman sa Batangas noong Abril 6, 2020, kung saan hinamon niya si Cayetano na pumunta sa kanilang barangay at ito ang magpaliwanag sa kanyang mga kababayan.

Aniya, sa 2,500 pamilya sa kanilang barangay ay 821 lang ang SAP form na ibinigay ng DSWD.

Giit ng mga punong barangay, lumikha lamang ng kalituhan ang mga pahayag ni Cayetano at sa kanila ngayon nabubunton ang galit ng tao dahil pinagdududahan silang may pinapaboran sa pamimigay ng form.

Nabatid na may ilang barangay captain din sa Maynila ang nagrereklamo dahil marami sa kanilang mga kababayan ang hindi mabibigyan ng SAP form. JOEL O. AMONGO

307

Related posts

Leave a Comment